'Akyat bahay', bugbog-sarado sa taumbayan

MANILA, Philippines - Bugbog-sarado sa taumbayan ang isang miyembro ng ‘Akyat- bahay gang’ makaraang mahuli sa akto nang pasukin nito at pagnakawan ang isang bahay sa loob ng isang subdivision sa Marikina City, kahapon ng madaling-araw.

Nagtamo ng black eye, bukol at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na si Oliver Iglesia, 21, residente ng Santan St., Brgy. Fortune, Marikina City.

Dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang looban ng suspek ang bahay ni Russel Collantes, 31, sa Rodriguez Avenue, Concepcion Uno ng nasabing lungsod.

Sinasabing nakapasok ang suspek sa bahay ni Collantes sa pamamagitan ng pagsira sa bintana at malayang nakapanghalughog sa loob ng tahanan kung saan kinulimbat ang mahahalagang gamit at pera.

Papalabas na ng bahay ang suspek noong masagi nito ang isang baso kaya bumagsak ito at lumikha ng ingay.

Sa puntong iyon ay nagi­sing si Collantes kaya sinigawan nito ang suspek at nagtatakbo palabas kung saan nakita ito ng ilang nag­lalakad na residente sa lugar kaya hinabol nila ito at nang maabutan ay bugbog-sarado sa taumbayan.   

Show comments