MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang miyembro ng Batang City Jail (BCJ) na naaktuhang nanghoholdap sa pampasaherong dyip sa Ermita, Maynila, Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni C/Inspector Daniel Buyao, hepe ng Manila Police District-District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU), ang mga suspect na sina Niel Sakro, 40, ng Caloocan City at Bencio Aronsado, 42, ng Sta. Cruz, Maynila, ay sinampahan na ng kasong robbery hold-up matapos pormal na magharap ng reklamo ang nabiktima.
Sa pahayag ng biktimang si Sergio Magno, ng Quezon City, dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa sa T. M. Kalaw ay sumakay siya ng jeep na may biyaheng Pier nang sabayan siya ng dalawang suspect. Tinutukan umano siya ng balisong at nang pumalag siya ay pinalo pa siya ng baril sa ulo.
Dahil dito ay nagkaroon ng komosyon sa loob ng jeep kasabay na rin ng sigawan ng mga pasahero na nakaagaw ng pansin sa nagpapatrulyang mga tauhan ng DPIOU.
Nadakip ang dalawa at narekober sa mga ito ang isang kalibre 38 na baril na kargado ng limang bala at isang balisong.