4 Chinese timbog sa shabu lab
MANILA, Philippines - Maging ang mga eksklusibong subdibisyon ay nagawa nang pasukin ng internasyunal na sindikato ng iligal na droga matapos na salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang itinayong shabu laboratory kahapon ng madaling-araw sa Ayala-Alabang Village sa Muntinlupa City.
Sinabi ni PDEA Director General Jose Guttierez na sina Ken Ming Chao, alyas Lam Tse Kin, 49; Lam Ka Tsun, 51; Choi You Kit, 33; at Kwok Chi Keung ay kanilang naaresto sa loob ng sinalakay na bahay sa 504 Acacia Avenue, Ayala-Alabang Village, Muntinlupa City.
Ayon kay Guttierez, noong Hulyo 2011 pa nila isinasailalim sa surveillance operation ang naturang bahay na nakatirik sa isang ektarya na nababakurang lupain sa loob ng eksklusibong subdibisyon. Ito’y makaraang magsumbong sa kanila ang ilang homeowners.
Nakumpiska sa naturang operasyon ang saku-sakong mga kemikal o precursors sa paggawa ng shabu, ilang mga finished products at mga kagamitan. Hinihinala naman ni Guttierez na nailabas na ang mga “finished products” dahil sa mga bakas nito.
Sa estima ni Guttierez, kayang lumikha ng higit sa 10 kilo ng shabu ng naturang “medium scale laboratory” sa loob ng dalawang araw.
Sinabi rin nito na kilala na nila kung sino ang nakarehistrong may-ari ng naturang bahay na nagparenta sa mga Chinese nationals na kanila pang iniimbestigahan.
Inaalam rin kung paano nagagawang makapaglabas-masok ng iligal na droga at iba pang kemikal ng mga miyembro ng sindikato sa gate ng naturang subdibisyon na inaasahan na may pinakamahigpit na seguridad.
Kasalukuyan namang isinasailalim sa interogasyon ang nadakip na mga Chinese nationals upang mabatid kung saang grupo ito kabilang. Nakatakdang sampahan rin agad ang mga ito ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest
- Trending