MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na handa na ang Maynila gayundin ang mga opisyal at awtoridad na mamamahala sa prusisyon at seguridad sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa Lunes.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim, kasabay ng kanyang pagbisita sa Quirino Grandstand kung saan isasagawa ang misa bilang bahagi ng pagdiriwang.
Kasabay nito sinabi rin ni Lim na walang pasok ang mga paaralang apektado ng ruta at trapiko bunsod na rin ng mga daraanan ng Itim na Nazareno sa Lunes.
Kabilang sa mga paaralan at unibersidad na walang klase ay ang City College of Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Manila Science High School, Araullo High School, Manila High School, Mabini Elementary School, Avancena High School at Santiago High School.
Bagama’t nasa pagpapasya na lamang ng mga namamahala ng private school ang sitwasyon, pinayuhan naman ang mga ito na mas makabubuti kung isususpinde o ideklara na walang pasok upang maiwasan ang trapik at mai-stranded.
Umaabot sa 20 ambulansiya ang itinalaga ni Lim na aantabay sa anumang mga emergency cases bukod pa sa pag-alerto sa anim na city public hospitals.
Nanawagan din si Lim sa mga buntis at maliliit na bata na huwag nang sumama sa prusisyon upang maiwasan ang anumang disgrasya.