MANILA, Philippines - Patay ang isang Indian national makaraang barilin ito ng kanyang misis na Pinay sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Parminder Singh, 43, negosyante ng Emerald St., Silverland, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan at kaliwang dibdib.
Sumuko naman sa mga pulis ang nakabaril na misis na si Emily Singh, 38, tubong Roxas, Capiz at residente rin sa nasabing lugar.
Batay sa ulat ni PO2 Eugene Hernandez, may hawak ng kaso sa Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nangyari ang insidente pasado alas-12:35 ng madaling araw sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Sinasabing umuwing lasing ang biktima pero nagpatuloy rin ito sa pag-iinom hanggang sa inakusahan nito ang misis (suspek) na may kalaguyo.
Dahil dito nauwi ang usapan sa pag-aaway hanggang sa pinalo umano ng bote ng beer ng biktima ang misis na hindi pa nakuntento ay hinabol pa ng patalim ng nasawi.
Nagtatakbo umano ang misis sa ikalawang palapag ng kanilang bahay hanggang sa kinuha nito ang kanilang .9mm kalibreng baril bago pinutukan sa katawan ang paparating na mister na hawak pa rin ang patalim.
Mabilis ding isinugod ng babae ang biktima sa pagamutan bago ito kusang loob na sumuko sa mga awtoridad.
Napag-alamang ikinasal ang biktima at suspek noong Jan. 1996 at nagkaroon sila ng tatlong anak.