Genelyn inamin nasa kanila ang laptop ni Ramgen

MANILA, Philippines - Binawi ni Genelyn Magsaysay ang unang pahayag na wala sa kanila ang laptop computer ng nasawi niyang anak na si Ramgen Revilla makaraang aminin kahapon na nasa kanilang posesyon nga ang naturang gadget.

Ngunit iginiit ni Magsaysay na hindi nila nabubuksan ang naturang laptop computer dahil sa may password ito ni Ramgen na hindi nila alam kaya hindi nila ito nabubuksan. Isa umano ang laptop computer sa mga gamit ni Ramgen na hindi nakuha ng pulisya nang paslangin ito noong nakaraang Oktubre 28.

Ang naturang pahayag ay matapos na sabihin kama­kailan ni Genelyn na hindi sa ka­nilang pamilya nanggaling ang “sex video” nina Ramgen at kasintahan na si Janelle Manahan na kumalat sa mga social networking sites sa internet.

Unang inakusahan ng mga abogado ni Manahan ang kampo nina Genelyn na siya umanong pinagmulan ng na­turang sex video at sina­bing­ kakasuhan ng paglabag sa Anti-Voyeurism Act of 2009.

Sinabi pa ni Genelyn na hindi pa niya napapanood at wala siyang intensyon na panoorin ang video dahil sa hindi umano niya ito kayang gawin dahil sa namayapa niyang anak. Sinabi naman ni Atty. Argee Guevarra, isa sa mga abogado ni Manahan, na ang pag-amin ngayon ni Genelyn ay nagpapalakas sa kanilang teorya na sa kanila nga galing ang naturang sex video.

Muling iginiit ni Guevarra na ang pagpapalabas ng na­turang sex video ay layong siraan lamang ang imahe ng kanilang kliyente makaraang tumestigo ito laban sa ilang miyembro ng pamilya Bautista sa pagpaslang sa kanyang kasintahan na si Ramgen.

Binanggit pa nito ang isang “Facebook message” sa wall ni Genelyn bago lumabas ang naturang sex video. Nakasaad na, “Janelle, wait until the world knows who you really are”. Agad namang binura ang naturang mensahe makaraang lumabas na ang sex video.

Show comments