Hapones nagbigbi
MANILA, Philippines - Isang masusing imbestigasyon na ngayon ang isinasagawa ng Pasay City Police upang makumpirma kung talagang nagpatiwakal ang isang Japanese national na natagpuang nakabigti sa isang tulay sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Kinukumpirma pa rin naman nina Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay Police kung ang nakuhang pangalan na Takai Saburou ang tunay na pangalan ng nasawi base sa narekober na credit card dito.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-7:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ni Saburou na nakabigti sa ginagawang Libertad Bridge sa kahabaan ng JW Diokno Boulevard. Nakasuot ang biktima ng jogging pants, puting t-shirt, ball cap at leather na sapatos, nasa pagitan ng edad na 50-60 anyos.
Bukod sa pagbibigti, wala nang ibang nakitang pinsala buhat sa katawan ng biktima. Nakipag-ugnayan na ang Pasay police sa Japanese embassy upang ipabatid ang pagkasawi ng biktima at upang makumpirma ang pagkatao nito.
Samantala, dakong alas-7:30 kahapon ng umaga nang madiskubre ang pagbibigti ng 32-anyos na si Wences Almuete, binata, sa loob ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay sa no. 1102 Lombos Compound, Manuyo 1, Las Piñas City.
Nadiskubre ang nakabigting bangkay ni Almuete ng tiyahin nito na si Estrella Almuete. Nabatid na unang sumama ang loob ng biktima sa kapatid nitong babae nang hindi umano pautangin ng P3,000. Nagsumbong ito sa kanilang ina ngunit hindi ito kinampihan kaya nagbanta na magpapakamatay.
- Latest
- Trending