MANILA, Philippines - Tatlo ang nasawi makaraang magwala at pagbabarilin ng isang lasenggong mister ang kaniyang misis, hipag at biyenan dahil lamang sa hindi naihandang pulutan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Napatay ng suspect na si Ronald Cruz, 37, dating seaman, kasalukuyang empleyado bilang messenger ng Philippine Reclamation Authority at residente ng Masinop St. Tondo, Maynila ang kaniyang misis si Gina Cruz, 36; ang biyenang si Senecia Valencia, 60, at hipag nitong si Loreta Venturina, 40, na naisugod pa sa Mary Johnston Hospital subalit binawian din ng buhay.
Masuwertemg hindi napuruhan ang fiancee ni Loreta na si John Walker, 44, American national at miyembro ng US Air Force, na ginagamot din sa nasabing ospital dahil sa tama ng bala mula sa 9 mm. kalibre ng bala.
Sa ulat ni SPO1 Gerardo Rivera ng Manila Police District-Homicide Section, naganap umano ang insidente dakong alas-7:35 ng gabi sa nabanggit na lugar kung saan magkakasama ang mga biktima at suspect.
Umuwi umano ng bahay ang suspect mula sa pakikipag-inuman na galit na galit at kinompronta ang misis kung bakit hindi dinala ang ipinalulutong pulutan.
Habang nag-aaway ang mag-asawa ay nakikiawat pa ang menor de edad na si Ralph at biyenang si Senecia. Sa halip na humupa, kumuha ng baril ang suspect at ikinasa sa bahagi ng kusina at saka binaril ang asawa sa ulo at isinunod ang biyenan, hipag maging ang umaawat na dayuhang bayaw na hilaw. Matapos ito ay mabilis na tumakas ang suspect.
Nagsasagawa na rin ng manhunt operation ang MPD-Homicide Section sa pangunguna ng hepe nitong si S/Insp. Joey de Ocampo para madakip ang suspect na hinihinalang gumagamit na rin ng iligal na droga, batay sa nakalap na impormasyon sa mga kaanak.