MANILA, Philippines - Tatlong menor-de-edad na sinasabing napagtripang sumakay sa tourist train ang natulala matapos latiguhin ng isang opisyal ng train sa Luneta kamakalawa ng gabi sa Maynila.
Nagtamo ng pasa sa leeg, batok at braso ang mga bata mula sa latigo ng suspek na si Sylvia Principe, 50.
Sa salaysay ng tiyahin ng dalawa sa mga bata, hindi dapat sinaktan ni Principe ang mga biktima dahil lamang sa pagsakay sa tourist train.
“Maaari namang sawayin ni Principe ang mga bata at hindi dapat pagbuhatan ng kamay na maaaring magdulot ng masamang epekto,” pahayag pa ng tiyahin.
Lumilitaw na bandang alas-10 ng gabi nang mamangha ang isa sa biktima sa tourist train dahil sa unang pagkakataon niyang nakita kaya tinangka ng mga ito na sumakay.
Sa panig naman ni Principe, sinaway niya ang mga bata subalit binato siya nito kaya napilitang hatawin ang mga ito.
Gayon pa man, nakatakda namang kasuhan ng mga biktima ang suspek.
Samantala, inaalam naman ni Manila Welfare and Social Development chief Jay dela Fuente kung nagkaroon ng amicable settlement ang suspek at mga biktima.
Ipatatawag naman ni Dela Fuente ang hepe ng Womens’ Desk at ang mga magulang ng 3 bata.