P.5-M ari-arian ni Imelda Papin limas sa akyat-bahay

MANILA, Philippines - Aabot sa P.5 milyong halaga ng ari-arian at cash ang tinangay ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang matapos looban ang bahay ni Imelda Papin sa North Fairview Park, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay P/Supt. Froilan Uy, hepe ng Quezon City PNP Station 5, natutulog ang pamilya ni Papin nang pasukin ng mga di-kilalang kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na Akyat-Bahay Gang.

Ayon kay SPO1 Rolyn Francisco, may-hawak ng kaso, ilan sa mga natangay sa bahay ng pamilya Papin ay ang apat na laptop, cash at ilang gadget nito.

Lima hanggang anim-katao ang nasa bahay ng pamilya Papin nang maganap ang pagnanakaw kung saan naitala ang insidente sa pagitan ng alas-2 ng madaling-araw hanggang alas-6 ng umaga.

Lumilitaw sa imbestigasyon na winasak ang grills ng aircon unit na nakaharap sa ikalawang palapag ng terrace kaya nakapasok ang mga kawatan.

Lumilitaw na maging ang security guard ay umaming natutulog at sinabing wala siyang napunang umakyat sa nasabing bahay.

Natuklasan ang panloloob ganap na alas-6 ng umaga matapos mamataang nagkalat ang mga gamit sa loob ng master’s bedroom kung saan natutulog si Antonio at apo ng singer.

Nabatid na wala si Imelda Papin nang maganap ang pagnanakaw kung saan tanging ang kanyang anak na si Maria France Carrion Mabasa, 29, at ang private secretary na si Fely Antonio ang taumbahay.

Show comments