3 suspek sa pagpatay sa ex-kagawad, tiklo
MANILA, Philippines - Kalaboso ang tatlo sa apat na kalalakihan kabilang ang isang barangay kagawad matapos madakma sa kasong pagpatay sa isang 46-anyos na ex-barangay kagawad sa Malate, Maynila.
Naaresto sa pangunguna ni P/Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section ang mga suspect na sina Joel Bertuldes, alyas Tata, ex-brgy. kagawad, ng #1918 San Antonio Street, Malate, Maynila; David Anthony Vasquez, 32, waiter, ng #922 J. Nakpil St., Malate, Maynila; at si Rudolph Aguirre, 34, Kagawad sa Barangay 692, Zone 75, ng #1916-A San Antonio St., Malate, Maynila.
Samantala, tinutugis naman ang isa pang suspect na si Abon Nobleza, 36, ng #1916-A San Antonio St. Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jupiter Tajonera, naganap ang krimen dakong alas-2 ng madaling-araw sa San Antonio Street nang tangkain ng biktimang si Joey Campillo na mamagitan sa away nina Aguirre at isang Rocky John Vergara.
Subalit bigla itong sinuntok ni Nobleza at nang bumagsak ay pinagtulungan pang gulpihin ng iba pang mga suspect.
Nang mawalan ng malay, isinugod ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH), pero namatay din dakong alas-10 ng gabi.
Positibo namang itinuro ni Vergara ang mga suspek na nakapatay sa biktima.
- Latest
- Trending