MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang batang lalaki ang iniulat na nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Caloocan City at Malabon City.
Kinilala ni P/Supt. Ferdinand Del Rosario, hepe ng Northern Police District Investigation and Detective Management Division ang mga biktimang sina Kerby Orbiso, 2, ng Kadima, Letre, Malabon City; Jeffrey Miranda, 19, ng Phase 8, Camarin; at si Jay Roldan, 31, ng Vanguard, Camarin, Caloocan City.
Sa police report, alas-11:30 ng gabi, kasamang nanonood ng telebisyon ni Orbiso ang mga magulang sa loob ng kanilang bahay nang biglang nag-iiyak ang bata.
Nang usisain ay nakitang dumudugo ang ulo ng bata dahil sa ligaw na bala ng baril kaya mabilis na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Pinalad ang bata na hindi napuruhan kung saan ay pinauwi na rin matapos gamutin.
Samantala, nagsasaya si Miranda kasama ang mga kaanak sa tapat ng kanilang bahay nang tamaan ng ligaw na bala ang kanang paa kaya isinugod naman sa East Avenue Medical Center.
Nanonood naman ng mga nagpapaputok si Roldan sa tapat ng kanilang bahay nang tamaan ng ligaw na bala sa kanang hita dakong alas-12:30 ng madaling-araw.
Samantala, muling iinspeksiyunin sa Enero 3, 2012 ng NPD ang mga sinelyuhang baril ng mga pulis at kung nawala o nasira ang mga ikinabit na masking tape sa muzzle ng baril ay kailangan magpaliwanag.