17-anyos inakalang nambulyaw, inutas
MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na binatilyo na inakalang nambulyaw ang iniulat na napagtripang paslangin matapos kuyugin at barilin ng limang kalalakihan sa Rizal Avenue sa tapat ng Jose Reyes Memorial Medical Center, Sta. Cruz, Manila kahapon ng madaling-araw.
Napuruhan sa dibdib ng bala ng sumpak ang biktimang si Fernando Mendoza Jr., estudyante at nakatira sa JC Cruz Street, Barrio Obrero ,Tondo, Maynila.
Arestado naman ang tatlo sa limang suspek na sina Robert Palacio, 36, messenger; Danilo Riomalos, 43, pintor; at si Jacinto Dante, 32, tricycle driver, pawang nakatira sa Quiricada Street, Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Bernardo Cayabyab, may hawak ng kaso, dakong ala-1:45 ng madaling-araw, lulan ng pampasaherong jeepney ang biktima kasama ang kanyang nobya at pinsan patungo sana sa Rizal Park.
Gayon pa man pagsapit sa harapan ng nasabing ospital ay may namataang nag-aaway na bakla at isang lalaki kung saan biglang may sumigaw na “bawal ang bakla dito”.
Sa pag-aakalang ang sumigaw ay nasa loob ng jeepney ay pinababa ng mga suspek ang biktima kung saan sumiklab ang kaguluhan hanggang sa pagtulungang gulpihin at barilin ang binatilyo.
Samantala, nakunan naman ng video ng cameraman ng FOCAP ang naganap na kaguluhan kung saan makikilala ang responsable sa krimen.
- Latest
- Trending