MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Manila City Hall Administrator Jesus Mari Marzan ang Manilenyo na maging masinop at panatilihin ang tatag ng loob at panalangin sa Diyos kasabay ng pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon kay Marzan, hindi dapat na magpatalo ang sinuman sa hamon ng buhay at sa halip ay magsilbi itong inspirasyon upang labanan ang kahirapan.
Sinabi ni Marzan na ang matinding dasal at panalangin lamang ang makakatulong upang malagpasan ng bawat isa ang anumang krisis na dumarating.
Aniya, dapat din na maging masinop sa pamumuhay ang mga Manilenyo at iwasan na bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan. Mas dapat na bigyan ng prayoridad ang mga pangunahing pangangailangan.
Samantala, umaasa naman si Manila 3rd District Councilor Re Fugoso na giginhawa ang pamumuhay ng Manilenyo sa tulong na rin ng mga local officials.
Giit ni Fugoso, hindi umano dapat na mawalan ng pag-asa ang sinuman na makakaahon sa hirap ng buhay.
Paliwanag ni Fugoso, hindi naman tumitigil si Manila Mayor Alfredo Lim, Vice Mayor Isko Moreno at ang konseho ng Maynila sa paghahanap at pagbibigay ng tulong sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.