MANILA, Philippines - Itinuring ng suspect ang isang pulis na sinasabing may-ari ng pabrikang pagawaan ng iligal na paputok at naaresto sa naganap na engkwentro sa pagitan ng mga kagawad ng Quezon City Police District at walong armadong kalalakihan na ikinasawi ng isang pulis at ikinasugat pa ng isa sa isinagawang raid sa lungsod kamakalawa.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, naging suspect si PO1 Faisal Marmala, base na rin sa mga testigo at mga ebidensyang nakuha nila na kabilang ito sa mga nakaengkwentro ng kanilang tropa.
Sa naturang engkwentro ay nasawi si PO2 Bernardo Quintero, habang sugatan naman ang isa pang kasamahan nito na si PO2 Jessie Adajar.
Sinabi ni Marcelo na may mga nakuha rin silang karatula na nagsasaad na kabilang si Marmala sa mga nagmamantine ng nasabing bodega ng mga paputok kung kaya kabilang ito sa kanilang iniimbestigahan.
Si Marmala, 37, ay nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa Camp Crame na nagsisilbing bodyguard ng mga politiko.
Sa ngayon, kasong murder at frustrated murder ang nakatakdang isampa laban kay Marmala sa City Prosecutor’s Office sa lungsod.
Magugunitang isang engkwentro ang naganap sa pagitan ng QCPD at walong armadong suspect nang tangkaing i-raid ng mga una ang isang bodega ng mga paputok sa may Adrian St., North Fairview Subdivsion, sa lungsod.
Sa sagupaan ay tinamaan si Quintero at Adajar at isinugod sa Far Eastern University Hospital, ngunit idineklarang patay ang una. Patuloy pang pinaghahanap ng QCPD ang iba pang kasamahan ni Marmala para mapanagot din sa batas.