19-anyos todas sa bagitong pulis

MANILA, Philippines - Isa namang bagitong pulis ang nakapatay ng 19-anyos na lalaki sa isang post Christmas party, sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si David Paul Vea, ng #2030 San Marcelino St., Malate.

Nakapiit na sa MPD-Homicide Section ang suspect na si PO1 Cyril De Gracia, 29, nakatalaga sa Camp Dangwa Hospital, La Trinidad Benguet at pansamantalang nanunuluyan sa #1239-A Ana Sarmiento st., Malate.

Sa ulat ni PO3 Milbert Balinggan, dakong alas-2 madaling-araw nang maganap ang insidente sa Sarmiento St. Anakbayan, Malate.

Nagkakatuwaan na umano sa party ang magkakalugar nang imbitahan ang suspect at habang nag-iinuman, inilabas umano nito ang kanyang service firearm na 9mm. at tinanggal ang magazine subalit pumutok umano, dahil sa naiwan pang isang bala na tumama sa biktima.

Isinugod sa Ospital ng Maynila ang biktima na hindi na umabot ng buhay.

Matatandaang ilang araw pa lamang mula nitong bisperas ng Pasko, tatlong may ranggong ‘PO1’ bukod kay De Gracia  na ang kinasuhan dahil sa pamamaril, sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa kanila na huwag magpaputok ng baril kung hindi naman kina­kailangan.

Pahayag ng isang mataas na opisyal ng MPD, hindi umano sapat ang training, at ‘utak-sibilyan’ pa rin ang mga bagitong pulis. Dapat umanong idaan sila sa mahigpit at disiplinadong training ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).

“Marami sa mga bagito ang hindi sanay na humawak o gumamit ng baril lalo na ng armalite, at ang disiplina sa mga training school na hindi pumapasok sa isip nila, kaya siguro marami ang nasa­sangkot sa asunto,” anang opisyal.

Show comments