MANILA, Philippines - Kilala na ng pulisya ang suspek na bumastos sa puntod ng mga magulang ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong nakaraang Disyembre 25 sa Parañaque City.
Kinilala ang suspek na si Mariano Alganion, taga-Sta. Rosa, Laguna.
Base sa rekord ng pulisya, nabatid na noong Disyembre 25 ay ginasgas at binuhusan pa ng grasa ang puntod nina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon Aquino, sa Manila Memorial Park, Parañaque City.
Ayon kay Sr. Supt. Billy Beltran, hepe ng Parañaque City Police, natukoy nila ang suspek base sa rekord hinggil sa insidente noong Oktubre 31, ng taong kasalukuyan, na dinakip ang nasabing suspek ng Presidential Security Group nang tangkain nitong lumapit sa Pangulo para iabot ang mga hawak nitong dokumento.
Sinabi ni Beltran na sasampahan nila ng kasong malicious mischief si Alganion dahil sa ginawang pambababoy sa puntod ng mga magulang ng Pangulong Aquino.