Salvage victim natagpuan sa QC
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng salvage ang natagpuang nakabalot ng karton, garbage bag, at packaging tape ang buong katawan sa may gilid ng isang kalye sa lungsod Quezon kahapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, ang biktima ay nakasuot ng camouflage na shorts, puting t-shirt na namula na sa dugo, payat, may bigote at may tattoo sa kaliwang braso.
Ang biktima ay natagpuan ng isang tricycle driver na si Antonio Destrajo sa may kanto ng Alejo at Maria Clara Sts., sa Brgy. San Isidro ganap na alas- 9 ng umaga.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa katawan ng biktima bukod sa karton ay nababalutan ng garbage bag, sako, plastic bag at packaging tape ang buong katawan nito.
Nakagapos din ng kordon ng kuryente ang mga kamay at paa ng biktima at may gilit sa leeg na pinaniniwalaang siyang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hinala ng awtoridad, posibleng hindi tagaroon sa lugar ang biktima at itinapon lamang dito para iligaw ang imbestigasyon ng awtoridad.
Ang bangkay ng biktima ay dinala na sa PNP crime lab para sa kaukulang awtopsiya.
- Latest
- Trending