MANILA, Philippines - Nagpasya si Manila Mayor Alfredo S. Lim na kanselahin na lamang ang nakatakdang fireworks display sa Manila Bay sa paghihiwalay ng taon sa Sabado ng gabi.
Sa halip, ang guguguling salapi ay dinagdagan pa nito at ipinadala ang donasyong tig-P1 milyon sa Cagayan de Oro (CDO) at Iligan cities na matinding sinalanta ng bagyong ‘Sendong’.
Kahapon, sa regular na weekly meeting sa department heads at iba pang opisyal ng Manila City Hall, inatasan ni Lim ang mga opisyal na mangalap pa ng donasyon para ipadala sa dalawang bayan ng Northern Mindanao.
Si chief of staff and media bureau chief Ric de Guzman ang makakaugnayan ng mga opisyal para ipunin at sabay-sabay na ipadadala ang anumang donasyon, maging cash o relief good.
Mismong sa nasabing pulong tinawagan ni Lim sina Mayors Vicente Emano at Lawrence Cruz ng CDO at Iligan upang ipaalam na ang tig-P1-milyon ay naipadala na sa pamamagitan ng banko.
“Hindi ko kayo mabati ng Merry Christmas dahil alam kong nagdadalamhati kayo at ang inyong mga constituents, lalo na ’yung mga nasalanta ng baha. Imbes na bumili kami ng mga bigas o gamit, makabubuti kung pera na lang at kayo na ang bahala dahil kayo ang higit na nakakaalam kung ano ang kailangan ng ating mga kababayang nasalanta,” ani Lim sa pakikipag-usap sa telepono sa dalawang alkalde.