MANILA, Philippines - Dalawang bumbero ang bahagyang nasugatan sa sumiklab na sunog sa isang tindahan ng pintura sa Marikina City kahapon ng umaga.
Nagtamo ng bahagyang mga paso at “suffocation” sa makapal na usok na may halong kemikal sina Dennis Manlahat, miyembro ng Marikina Fire Volunteers at Emmanuel Aclan, isang fire volunteer naman buhat sa Cubao, Quezon City. Naisugod pa sa Amang Rodriguez Medical Center si Aclan na agad din namang nalapatan ng lunas.
Dakong alas-10:50 ng umaga nang unang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng Cartier Paint Center na nasa kanto ng Gil Fernando Avenue at Marcos Highway sa Brgy. San Roque ng naturang lungsod.
Umabot ng ikaapat na alarma ang naturang sunog dakong alas-11:03 ng tanghali at nagawang maapula ng mga pamatay sunog dakong alas-12:12 na ng tanghali.
Nabatid na natagalan ang mga bumbero na maapula ang apoy dahil sa pintura at iba pang kemikal na nakaimbak sa naturang tindahan.
Nabatid na unang narinig ang sunud-sunod na putok sa ikalawang palapag na imbakan ng pintura at iba pang kemikal bago mabilis na kumalat ang naturang apoy.
Abala sa pag-apula sa apoy sina Manlahat at Aclan nang sumabog umano ang ilang container ng pintura sa gusali at nasapul ang mukha ng dalawang bumbero.