3 pulis nagpaputok ng baril noong Pasko, pinakakasuhan
MANILA, Philippines - Sumablay si National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Alan Purisima sa inihayag na wala silang namonitor na tauhan na nagpaputok ng baril nitong selebrasyon ng Pasko makaraang tatlong pulis ang napag-alamang lumabag sa panuntunan sa lungsod ng Maynila.
Kabilang sa mga nagpaputok ng kanilang baril sina PO1 Lloyd Fernandez, PO1 Raymond Pascua at PO1 Fulgencio Sideco.
Nabatid na nabaril at napatay ni Fernandez ang isang Roberto Solis sa Sampaloc, Maynila dakong alas-11 ng gabi; 2 lalaki naman ang sugatan sa pamamaril ni Pascua sa burol ng kanyang ina sa Tondo habang walang habas na nagpaputok sa kanyang lugar sa Tondo si Sideco. Pawang sumuko naman ang tatlong pulis sa Manila Police District (MPD).
Una nang nilagyan ng masking tape ni Purisima at iba pa niyang opisyal ang mga nguso ng baril ng mga pulis sa Metro Manila habang iginiit sa mga ito ang kampanya nila laban sa “indiscriminate firing” upang magsilbing “role model” umano sa publiko.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pagsasailalim sa kasong administratibo at kriminal laban sa tatlong rookie cop. Kapag napatunayang guilty ang mga ito ay agad na sisibakin sa serbisyo alinsunod sa paglabag sa babala ni Bartolome na bawal magpaputok ng baril. (Danilo Garcia, Joy Cantos at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending