8 kabataan pumuga sa DSWD detention

MANILA, Philippines - Walong kabataang preso ang nakatakas mula sa bilangguan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahapon ng mada­ling-araw sa Navotas City.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-12:00 ng mada­ling-araw sa loob ng DSWD Navotas City detention cell na matatagpuan sa Navotas City Police Headquarters sa Brgy. Sipac Almacen ng nabanggit na siyudad.

Nabatid sa pulisya na nakagawa ng improvised key ang mga presong kabataan na ginamit ng mga ito upang mabuksan ang kandado ng kanilang kulungan na naging dahilan upang sila ay makatakas.

Nagtaka ang mga imbestigador kung bakit nagawang makapuga ng mga ito,   gayong nasa loob lamang ng headquarters ang detention cell ng mga ito.

Hinihinala na sinamantala ng mga suspek na abala ang kanilang mga bantay sa pagdiriwang ng Kapaskuhan kaya’t nagawa ng mga ito na makatakas. 

Show comments