30 tiklo sa paninigarilyo sa PUJ
MANILA, Philippines - Umaabot sa 30 katao ang nadakip ng mga tauhan ng Manila Anti-Smoking Task Force (MASTF) bunsod na rin ng ipinatutupad na ordinansa bilang 133 sa lungsod ng Maynila.
Batay sa report na tinanggap ni City Administrator Jesus Mari Marzan na siya ring chairperson ng MASTF mula kay SPO4 Manuel Andaya, ang 30 ay nahuli sa aktong naninigarilyo sa loob ng mga pampasaherong jeep na bumabaybay sa lungsod.
Ayon kay Marzan, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong sasakyan matapos ang pormal na paglulunsad ng Anti- Smoking campaign noong nakaraang buwan.
Paliwanag ni Marzan, dapat na magkaroon ng respeto ang mga pasaherong naninigarilyo sa kanilang kapwa pasahero dahil nalalanghap din ng mga ito ang usok na kanilang ibinubuga.
Aniya, mas malaki umano ang epekto nito sa mga hindi naninigarilyo na nakakasagap ng usok ng sigarilyo.
Sinabi pa ni Marzan na mayroon namang mga itinalagang lugar para manigarilyo at hindi sa mga sasakyan.
Layunin umano ng Maynila na maging malinis ang hangin sa lungsod kung kaya’t puspusan ang kanilang kampanya katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
- Latest
- Trending