MANILA, Philippines - Tatlo katao ang sugatan makaraang ratratin ng bala ng dalawang kalalakihan na ang isa ay alagad umano ng batas habang ang mga una ay nagno-noche buena sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat ng Police Station 6 ng Quezon City Police, ang mga biktima ay nakilalang sina Mark Ryan Biluan, 27, binata, security guard; Pedro Soriaso Jr., 31, binata; at Perla Atienza, 31; pawang mga residente sa Sampaloc St., Brgy.Commonwealth sa lungsod.
Sila ngayon ay nilalapatan ng lunas sa may East Avenue Medical Center bunga ng mga tama ng bala sa katawan.
Ayon kay PO2 Benjie Butac, may-hawak ng kaso, natukoy ng ilang saksi ang mga suspect na isang pulis na siyang may dala ng kalibre 45 baril at isa umanong barangay tanod na may bitbit namang kalibre 38 baril.
Dating alitan ang tinutumbok ng awtoridad na dahilan upang pagbabarilin ng mga suspect ang mga biktima sa loob ng bahay nito na nangyari sa ganap na ala-1 ng madaling araw.
Sinasabing katatapos lamang mag-noche buena ng mga biktima nang biglang pumasok ang mga suspect at pagbabarilin ang mga ito.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspect habang ang mga biktima naman ay isinugod sa naturang ospital.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasabing suspect upang mapanagot sa kanilang krimeng ginawa.