MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki habang dalawa pa ang sugatan matapos na barilin ng isang pulis sa magkahiwalay na insidente kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Naghihimas ngayon ng rehas na bakal si PO1 Lloyd Fernandez, 30, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB), sa Camp Bagong Diwa, Taguig, Bicutan matapos na makuyog ng taumbayan.
Batay sa imbestigasyon, unang nabaril at napatay ni Fernandez ang isang 24 anyos na si Roberto Solis, ng no. 100 Loreto St., Sampaloc, na idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Sampaloc.
Nasa kritikal namang kalagayan ang dalawa pang biktima ng pamamaril ni Fernandez na kinilalang si Jay Valenjuela, 40, ng Block-2 B Lot 48, Leticia Villa, Pasig City at Richard Zapanta, 35, ng no. 1646 G.Tuazon St.,Sampaloc.
Sa ulat ni Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 9:30 ng gabi, bisperas ng Pasko, nang maganap ang pamamaril kay Solis.
Sa pahayag ni Alberto Solis, ama ng nasawing si Roberto, nagalit umano ang suspect na lasing nang nakabalagbag ang kotse ng isang doktora sa daraanan ng kaniyang minamanehong motorsiklo.
Dito ay humingi ng dispensa at nagpaliwanag si Alberto at sinabing may ibinigay lang na regalo sa anak niya ang kumareng doktora at aalis din kaagad subalit nagalit ang suspect at tinutukan ng baril ang matandang Solis.
Nag-alala naman ang biktimang si Roberto at nilapitan ang ama subalit agad umano itong pinaputukan ng suspect sa leeg.
Tumakas umano ang suspect at nang dumaan ito sa isang grupo na nag-iinuman ay sinita at pinagsabihan umanong ‘mga gago’, na sinagot naman ng grupo na kinabibilangan ng dalawang biktima ng ‘gago ka rin’.
Naging dahilan ito para mamaril muli umano si Fernandez at tinamaan naman sina Valenjuela at Villa na isinugod din sa nasabing pagamutan.
Nagpasiya naman ang mga kagrupo at ilang tambay na kuyugin ang pulis at isuko sa MPD-station 4.
Ipinagtataka lamang umano ng mga kaanak ng biktima ay kung bakit nais umanong iligaw ang imbestigasyon dahil ang unang baril na ginamit ng suspect ay ang service firearm na 9 mm. at ang ipinamaril sa dalawang kritikal ay lumalabas na kalibre .45.
Hindi umano narekober ang isang baril sa suspect, na hinihinalang itinago na.
Nakatakda namang sampahan ng kasong murder at two counts ng frustrated murder ang suspect na posibleng dahilan na rin upang masibak sa serbisyo.