MANILA, Philippines - Natagpuang lumulutang ang bangkay ng isang lalaki matapos itong barilin sa likod ng hindi pa nakilalang suspek sa karagatan ng Navotas City kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Jonathan Sol, 32, nakatira sa Bicol St., Brgy. Tanza ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala sa likod. Inaalam pa ng pulisya kung sino ang responsable sa pagpaslang sa biktima.
Sa inisyal report ng Navotas City Police, dakong alas-5:00 ng umaga nang matagpuan ng mga residente ang bangkay ni Sol habang nakalutang sa karagatan na nasasakupan ng Brgy. Tanza ng naturang siyudad.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.