MANILA, Philippines - Isang mister ang nahulihan ng may 1.5 kilo ng marijuana na itinangka pa nitong isakay sa Metro Rail Transit (MRT), kamakalawa sa Cubao Station sa Quezon City.
Kaugnay nito, nagbabala ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa publiko na huwag ng magpalusot ng anumang uri ng kontrabando kung sasakay ng Light Rail Transit (LRT) at MRT.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA ito nga ay makaraang masabat ng alertong guwardya si Hari Villa, 27, tubong Sta. Cruz, Laguna na sumakay ng MRT 3 sa Cubao station sa Quezon City noong Huwebes pero nang busisiin ang mga dala nitong gamit ay nakita ang nasabing marijuana na ibinalot ng dala niyang damit.
Agad na dinala sa MRT-3 Rail Police si Villa at itinurn-over sa Philippine National Police Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) para sa proper disposition at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Agad namang pinuri ng LRTA ang lady guard na si Janice Dayaday na siyang nakadiskubre sa dalang marijuana ni Villa.
Sa ngayon, ani Cabrera ay patuloy ang pagpapatupad nila ng mahigpit na seguridad sa lahat ng papasok at lalabas ng LRT at MRT para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng pasahero ngayong holiday season.