MANILA, Philippines - Isang babaeng sales agent ang nasawi, habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang tarakan ng saksak sa leeg ng isang hindi pa nakikilalang salarin matapos ang away trapiko sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Felma Cruz, 20, isang sales agent ng Kotse Network at residente ng Gulod St. Sapang Palay Proper, San Jose Del Monte, Bulacan.
Habang inoobserbahan sa East Avenue Medical Center ang kasama nito na si Richard Ernie, 20, isa ring sales agent at naninirahan naman sa Brgy. San Roque, Park 3 San Jose Del Monte, Bulacan.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Mindanao Avenue Extension Brgy. Pasong Putik sa lungsod, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Sinabi ni Jimena, isang testigo, na ang taong may kagagawan ng pananaksak ay driver ng isang Isuzu Highlander na may tatak na UV express, pero hindi naman natukoy ang plaka nito.
Bago ang insidente, sinasabing patungo ang mga biktima sa Christmas party kasama ang ilang kasamahan sa trabaho sakay ng Starex van na minamaneho ni Archie Wage nang mabangga sila ng sasakyan na minamaneho ng suspect.
Kahit na ang suspect ang may kasalanan, nagbato pa ito ng maanghang na salita sa mga biktima, bago tuluyang sumibat.
Dito ay sinundan ng mga biktima ang sasakyan ng suspect at nang maabutan ay hinarang ito, saka bumaba sina Cruz at Ernie para komprontahin ang huli.
Sa puntong ito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa saksakin ng suspect ang mga biktima sa leeg saka sumakay ng kanyang sasakyan at tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspect.