MANILA, Philippines - Hindi napigilan ng hunk actor na si Piolo Pascual ang kanyang paghanga at pasasalamat kay Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa ipinakikita nitong dedikasyon sa paglilingkod sa mga Manilenyo.
Sa kanyang pamamahagi ng regalo sa mga residente ng Parola Compound sa Tondo, Maynila, sinabi ng aktor na malaking tulong ang ginawa nitong pagsama sa outreach program ng kanilang pamilya.
Sina Pascual at Lim ay sinamahan nina Department of Social Welfare chief Jay dela Fuente, Councilor Niño dela Cruz, Manila Police District Director Gen. Alex Gutierrez, Col. Ricardo Layug at traffic chief Maj. Reynaldo Nava sa pamimigay ng 1,500 gift packs katulong ang pamilya ng aktor at ang Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA).
Samantala, nagpasalamat din si Lim kay Pascual dahil sa taun-taon nitong pagpili sa Maynila sa mga bibigyan ng regalo.
“Last year sa Baseco, siya (Lim) mismo ang tumatakbo talaga at umiistima sa mga tao. Makikita mo talaga na ’di lang siya basta mayor. Trabaho talaga,” ani Pascual.
Samantala, sinabi ni Pascual na wala siyang balak na pumasok sa pulitika bagama’t nagsasagawa siya ng outreach program. Aniya, maaari namang tumulong ang isang tao ng hindi nakakabit sa pulitika.