MANILA, Philippines – Tulad ng kanyang nakagawian, namahagi ng pagkain at regalo si Manila Mayor Alfredo Lim kasabay ng kanyang pagdiriwang ng ika-82 kaarawan kahapon sa Hospicio de San Jose, sa Maynila.
Ayon kay Lim, ang kanyang pagbibigay ng tulong at regalo sa nasabing ampunan ay bahagi ng kanyang advocacy na matulungan ang mga batang iniwan ng magulang, matatandang walang pamilya at mga may kapansanan.
Sinabi ni Lim na hindi umano siya magsasawang tulungan ang nasabing ampunan na minsan niyang naging tahanan noong pagkabata. Ito rin aniya ang kanyang paraan upang ibalik sa kapwa ang kanyang mga nakukuhang biyaya.
Kaugnay nito, hindi naman matatawaran ang kasiyahan ng alkalde ng handugan siya ng iba’t ibang sayaw at awitin ng mga bata sa ampunan. Patunay lamang ito na maayos ang pagpapalakad ni Sister Maria Soccoro Evidente.
Samantala, binisita rin ni Lim ang ground-breaking ng battered wife sanctuary sa Hospicio kung saan magiging silungan ng mga biktima ng pambubugbog ng kanilang mga asawa.
Bago ito, dumalo muna ng misa sa Sto. Niño Parish church si Lim at namahagi ng kanyang Christmas gifts sa mga bata at matatanda.
Umaabot naman sa 6,000 ang naibigay sa mga senior citizen ng anak ni Lim na si Cristy Lim, executive director ng Lingap ng Inang Manileño, kasama sina 1st District Councilor Nino dela Cruz, Manila Police District Director Gen. Alex Gutierrez at Col. Ricardo Layug, hepe ng MPD Station 5.