MANILA, Philippines – Tugis ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang kasambahay matapos na tangayin nito ang alahas ng kanyang amo sa Quezon City, iniulat kahapon.
Nag-ugat ang insidente makaraang dumulog sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na si Violeta Velasquez, 52, ng 11 Aguila St., Villilia Village, Brgy. Talipapa, upang magreklamo laban sa katulong na nakilalang si Gemma Soberano Gabriel.
Ayon sa biktima, natangay sa kanya ng katulong ang kwintas na tinatayang nagkakahalaga ng P180,000; bracelet na may halagang P60,000; at diamond ring na nagkakahalaga ng Php30,000.
Nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-11 kamakalawa ng gabi hanggang sa kinaumagahan ng alas-5.
Nagawa umanong matangay ng katulong ang alahas habang nasa kasarapan ng pagtulog ang biktima kung saan naiwan nito ang kanyang mga gintong alahas sa kuwarto.
Mula rito ay sinamantala ng katulong ang biktima at sinimulang limasin umano ng alahas nito saka itinakas.
Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente habang inihahanda ang kasong Qualified Theft laban sa kasambahay.