MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas sa kanilang nagliliyab na bahay ang limang miyembro ng isang pamilya at kanilang kasambahay na naging dahilan ng kanilang sama-samang kamatayan matapos na sumiklab ang isang sunog sa kanilang lugar sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Hindi na nakalabas ng kuwarto ang mag-asawang Joseph at Ana Edloy at kanilang mga anak na sina Johanna May, 6; Eloisa May, 3; at Ryan, 2, matapos mabagsakan ng kisame. Huling natagpuan naman ang labi ng kasambahay ng pamilya Edloy na nakilalang si Jessica Palermo.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang naturang sunog dakong ala-1 ng madaling-araw sa kanto ng Baltazar at Caliwag Sts. sa Brgy. Pinagbuhatan ng naturang lungsod.
Sinasabing nagsimula ang sunog sa natumbang kandila sa bahay ng isang Jeffrey Alano na kanilang gamit makaraang maputulan ng kuryente ang kanilang lugar. Mabilis na nilamon ng apoy ang bahay ni Alano na gawa lamang sa light materials at kumalat sa mga katabing bahay.
Aabot sa 40 bahay ang natupok sa naturang sunog bago naapula ng mga bumbero.
Humihingi naman ngayon ng agarang saklolo ang mga apektadong mga residente ng sunog kay Pasig Mayor Robert Eusebio at sa nasyunal na pamahalaan.