NCRPO vs iligal na paputok pinaigting
MANILA, Philippines - Nag-umpisa na ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa paghihigpit laban sa mga iligal na paputok na taun-taong ginagawa upang mabawasan pa ang mga biktima nito sa pagsapit ng Bagong Taon.
Nagpalabas ng direktiba si NCRPO director P/Chief Supt. Alan Purisima sa limang distrito ng pulisya sa Metro Manila na paigtingin na ang kampanya laban sa mga iligal na paputok na taun-taong naipalulusot ng mga negosyante partikular na ang mga paputok mula sa Tsina na ipinupuslit papasok sa bansa.
Kabilang sa mga lokal na paputok na ipinagbabawal ay ang bawang, Lolo Thunder, Goodbye Philippines, at ang sumikat noong 2010 na “Boga” habang iba’t ibang uri naman ng imported na paputok ang taunang kumakalat sa Divisoria, Quiapo at Baclaran mula sa Tsina ngunit mapanganib sa kalusugan ng mga bata.
Una nang pinangunahan ni Purisima ang pagtatakip ng “masking tape” sa nguso ng mga baril ng kanilang pulisya noong Biyernes na sinundan kahapon ng iba’t ibang police district sa Metro Manila.
Nilinaw ni Purisima na ang pagtatakip ng mga baril ay hindi dahil sa wala silang tiwala sa kanilang mga tauhang pulis. Layuning ipakita lamang ang kanilang paninindigan sa publiko para sa ligtas na Pasko at Bagong Taon laban sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Nagbabala rin ang heneral sa mga hepe ng mga pulis na magpapabaya sa pagbabantay sa kanilang mga tauhan na masasangkot sa iligal na pagpapaputok ng baril ay papatawan ng kaukulang kasong administratibo.
Bukod dito, sinuportahan din ng NCRPO ang panawagan na magtatag ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng iba’t ibang “firecracker zones” para isagawa ang pagpaputok na nakagawiang selebrasyon sa pagpasok ng Bagong Taon.
- Latest
- Trending