MANILA, Philippines - Nailigtas ng mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) ang isang 4-anyos na Filipino-American habang arestado naman sa magkakahiwalay na operasyon ang limang kidnaper sa Sorsogon, lungsod ng Parañaque at Muntinlupa, ayon sa opisyal kahapon.
Ayon kay PACER Chief P/Sr. Supt. Isagani Nerez, ang biktimang si Joseph Monk ay nasagip ng kanyang mga tauhan sa pakikipagkoordinasyon sa Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos.
Sinabi ni Nerez na si Monk ay dinukot ng mga suspek matapos na harangin ng mga kidnaper ang kanilang behikulo habang ihahatid ito ng kanyang inang Pinay sa eskuwelahan sa nangyaring insidente sa Parañaque City noong Disyembre 6.
Una nang humingi ng P10 milyon ang mga kidnaper na naibaba sa P5 milyon hanggang sa P600,000.
Noong gabi ng Disyembre 9 ay nagkaroon ng pay-off sa Parañaque City pero hindi pa pinalaya ang bihag dahil humihirit pa ang mga kidnaper ng karagdagan pang limang milyon sa kabila ng napagkasunduang naibabang ransom.
Ayon kay Nerez, agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nasakote ang tatlo sa mga kidnaper na sina Lorenzo Dipad, Michael Yolol at Floridel Yolol dakong ala-1:50 ng hapon noong Miyerkules sa Brgy. San Ramon, Prieto Diaz, Sorsogon.
Sinabi ni Nerez na sa nasabing operasyon ay matagumpay na nasagip ang biktima pero hindi muna ito inilabas sa media dahil sa isinasagawa pang follow-up operation sa iba pang mga suspek.
Sa follow-up operation na inumpisahan bandang ala-1:30 ng hapon nitong Huwebes ay sumunod namang nasakote sa lungsod ng Parañaque at Muntinlupa City ang dalawa pang suspek na sina Jaymark Lopena at pinsan nitong si Ramil Lopena.
Nitong Huwebes, dakong alas-8 ng gabi ng gabi, sinabi ni Nerez na ini-inquest na ng PACER sa Department of Justice ang kaso ng mga kidnaper na iniutos na ikulong ang mga suspek at wala ring inirekomendang piyansa para sa pansamantalang itong kalayaan ng mga ito.
Samantalang ayon pa sa opisyal ay ligtas na naibalik ang bata sa kanyang mga magulang.