Binatilyo utas sa kapwa binatilyo
MANILA, Philippines - Patay ang isang binatilyo at malubha namang nasugatan ang dalawang kasama nito nang saksakin ng isang kabataang lalaki kahapon ng umaga sa Navotas City.
Nasawi noon din ang biktimang si Angelo Baluyot, 17, ng Brgy. Daang Hari ng nabanggit na siyudad, nagtamo ito ng ilang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, ginagamot naman sa Tondo Medical Center ang dalawa pang biktima na sina Maridel Paynante, 26; at Daniel Contreras, 20, kapwa nakatira sa nabanggit na lugar, nagtamo rin ang mga ito ng saksak sa kani-kanilang katawan.
Samantala, nasa custody naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na si Ronnel 16.
Sa imbestigasyon ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong alas-2 ng umaga sa kahabaan ng Paltok St., ng nabanggit na barangay.
Pinuntahan ng mga biktima ang suspek para komprontahin ito kung bakit kinukursunada nito ang kanilang kaibigan na nagngangalang Tom.
Subalit nagalit ang suspek at nagwala hanggang sa binunot nito ang nakatagong patalim at pinagsasaksak ang mga biktima.
- Latest
- Trending