3 Koreano timbog sa credit cards fraud
MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang bahay na gamit ng international credit card fraud syndicate sa Quezon City na dito nadakip ang tatlong Korean nationals kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni NBI-Technical Investigation Division (NBI-TID) chief Atty. Palmer Mallari ang mga suspect na sina Mun Seungjae, Park Kyung Yul at Kim Jin Wook, na pinaniniwalaang nasa likod ng iligal na reproduction ng credit cards sa pamamagitan ng hacking sa mga existing credit cards.
Bukod pa ito sa pagkakasangkot din umano ng mga dayuhang nabangit sa illegal na online gaming, batay sa mga nakalap na ebidensiya sa raid.
Isa pang kasabwat na kinilalang si Gwak Gyeong Chul ang tinutugis ng NBI.
Dakong alas 2:00 ng madaling araw nang pasukin ng NBI agents ang bahay sa 27 Don Edilberto St., Don Enrique Heights, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Katulad din ito aniya, ng mga naunang raid ng NBI sa iba pang dayuhan na nagpapatakbo ng isang iligal na call center, na itinatago sa mga eklusibong subdibisyon.
“Tumatanggap sila ng online bets kung saan tumataya ang mga online user gamit ang kanilang credit card. Dito na rin ninanakaw ng sindikato ang credit card details para makapag-clone o makakopya ng credit card,”ani Mallari.
Inihahanda na ang ihaharap na kasong paglabag sa Republic Act 8484 (Access Devices Act) laban sa mga suspect.
- Latest
- Trending