Genelyn hinamong ibulgar ang nalalaman
MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga abogado ni Janelle Manahan, ang kasintahan ng nasawing si Ramgen Revilla-Bautista, kay Genelyn Magsaysay na ibulgar na ang mga nalalaman sa pagkamatay ng anak makaraang ipagdiinan nito na kasingtaas at kasing-katawan ng isa sa gunman ang isa sa mga saksi na si Ronaldo Ancajas.
Ito ang panawagan ni Atty. Argee Guevarra kay Genelyn makaraang tukuyin nito sa isang panayam na si Janelle Manahan talaga ang target ng mga killer dahil sa ito ang unang binaril at hindi ang kanyang anak na si Ramgen na ipinagtanggol lamang ang kasintahan at kapatid na si Ramona.
Nagtataka umano si Manahan sa naging pahayag ni Genelyn kung bakit nito natukoy na kasingporma, kasingkatawan at kasing-taas ni Ancajas ang gunman gayung wala naman ito sa lugar ng krimen nang maganap ito.
Dapat din umanong isiwalat ni Genelyn kung bakit nasabi nito na si Janelle talaga ang target ng mga killers at hindi ang kanyang anak dahil sa malinaw na may iba itong nalalaman.
Ang pahayag na ito ni Genelyn ay ginawa bago ang pagsasampa kamakalawa ni Manahan ng “supplemental complaint” kung saan idinawit nito sa krimen ang isa pang kapatid ni Ramgen na si Gail Bautista Furuyama at asawang Hapones na si Hiro.
Kinuwestiyon ni Manahan ang naging aksyon at pagiging kalmado ni Gail nang tawagan ito ni Ramona sa telepono at sinabihan na nabaril si Ramgen. Nang bumisita rin sina Gail at Hiro kasama pa sina Ramon at Ramon Joseph sa pagamutan, wala umano sa mga ito ang nakita niyang nagluluksa sa pagkamatay ng kapatid.
Si Ancajas na itinuturo ni Genelyn na posibleng may kinalaman sa krimen ay personal assistant ni Ramgen na isa sa mga nagbigay ng testimonya na nakita niyang magkasunod na lumabas ng bahay sina Ramona at Ramon Joseph nang gabing binaril si Ramgen.
Isinama rin sa affidavit ni Manahan ang nai-save nitong usapan nila sa pamamagitan ng Facebook chat ni Ramgen noong Oktubre 12. Sinabi ni Ramgen kay Janelle na may kumakatok ng malakas sa pinto ng kanyang kuwarto kung saan pinayuhan niya ito na huwag itong pagbubuksan. Tumutugma ang naturang pag-uusap nila sa isa sa testimonya ng isa sa lumutang na saksi na unang nagtangkang pumaslang kay Ramgen ngunit umatras rin.
- Latest
- Trending