MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isa umanong pamangkin ng isang kongresista sa Ilocos Norte at kasamahan nito makaraang makuhanan ng kalahating kilo ng cocaine sa isang buy-bust operation sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose Gutierrez Jr., ang mga suspect na sina Mark Barbers Ablan, 49, ng Wakwak Twin Tower, Wakwak Road, Mandaluyong City at Mark Lorenzo Posadas, Fil-Am, 46, ng Marville 1 Condominium, Pasay City.
Ayon kay Gutierrez, ang mga suspect ay naaresto sa buy-bust operation ng PDEA kung saan nasamsam sa kanila ang 6 na pakete ng plastic sachet na naglalaman ng cocaine.
Bukod sa cocaine, nakuha rin sa mga suspect ang tatlong sachet ng marijuana, assorted na gamot, drug paraphernalia, isang Toyota Camry (XLX-336) at dalawang cell phone.
Napag-alaman na base sa pagpapakilala ng suspect na si Ablan, inamin umano nito na pamangkin siya ni Congressman Roque Ablan ng Ilocos Norte.
Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspect sa may Lavista Village, Katipunan, Diliman ganap na ala -1 ng madaling araw.
Isinagawa ang buy-bust operation bunga ng impormasyong natanggap hingil sa pagbebenta ng mga suspect ng drogang cocaine sa lungsod.
Isang poseur buyer ng PDEA ang nagpanggap na bibili ng kalahating kilo ng cocaine sa mga suspect at nagkasundo na magpalitan ng items sa nasabing gas station, kung saan naganap ang pag-aresto.
Nakapiit ngayon ang suspect sa PDEA national headquarters sa Quezon City habang inihahanda ang kasong paglabag sa section 5 at section 11 ng Republic act 9165 ng comprehensive dangerous act of 2002.