MANILA, Philippines - Pinaikutan ng packaging tape ang mukha at iginapos ng electrical cord ang magkabilang kamay, bago itinapon nang buhay sa Ilog Pasig ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na natagpuang lumulutang kahapon ng umaga sa may Delpan bridge sa Port Area, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO1 Amelito Lopez, ng MPD-homicide section, inilarawan nito ang biktima na nakasuot ng kulay dilaw na long sleeve may nakasulat na “Maria Cristina Balanga y Association”, naka 6-pocket short pants na kulay gray, may tattoo sa dibdib na “Zyrel Zamanta”, habang nakalagay naman sa likod ang tattoo na “Mar Quiambao” at “Bahala na Gang”.
Sinabi ni Lopez na nagsisimula ng maagnas ang bangkay pero walang anumang sugat na nakita sa katawan ng biktima.
Hinala ni Lopez na buhay pa ito nang ihagis sa ilog Pasig at tuluyang nilunod.
Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Yvan Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.