MANILA, Philippines - Tatlong araw makaraan ang pagbagsak ng isang eroplano sa Parañaque City, wala pa ring lumulutang kahapon sa funeral parlor na pinagdalhan sa mga nasawing residente upang sumagot sa gastusin sa pagpapalibing sa mga ito.
Nanawagan kahapon ang pamunuan ng Royalty Funeral Parlor kung saan nakalagak ang 10 bangkay na mga biktima ng trahedya sa Brgy. Don Bosco nitong Sabado sa may-ari ng Beechcraft light airplane na nakilala sa pangalang Art Velasquez na lumantad na para sagutin ang mga bayarin para sa serbisyo sa labi ng mga nasawi ng kanilang eroplano.
Sa kabila naman ng mga pangako ng pamahalaang lungsod ng Parañaque, wala pa ring nakakarating na tulong o mga materyales na pangkonstruksyon ang mga apektadong pamilya na nasunugan sa Brgy. Don Bosco dulot ng pagbagsak ng eroplano. Una nang nangako si Mayor Florencio Bernabe na bibigyan na lamang nila ng construction materials ang mga residente para makapagtayo ng pansamantalang mga tahanan matapos na aminin na wala silang nakahandang “relocation sites” para sa mga ito.
Ibayong lungkot naman ang nararamdaman ng mga pamilyang nagsisiksikan ngayon sa covered court ng Don Bosco village dahil sa kawawang sitwasyon ng kanilang mga anak ngayong sasapit ang Kapaskuhan.
Bukod sa nawalan ng tahanan at mga ari-arian, pinangangambahan rin ng mga nasunugan ang kalusugan ng kanilang mga anak dahil sa lamig ng panahon kapag gabi dagdag pa ang lamig ng semento na kanilang tinutulugan.