MANILA, Philippines - Pitong miyembro ng kilabot na “Onad Santiago Group” na responsable sa pagtutulak ng droga at dalawa pang drug dealers ang natimbog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkasunod na anti-drug operations, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez, Jr. ang mga suspect na sina Joel Dela Cruz, alyas Joel, 39; Eligio Pimintel, alyas Eli, 36; Roberto Oledan, alyas Berto, 24; Teodoro Nerpido alyas Toto, 39; Danilo Mejidana alyas Pido, 19; Eric John Pastrana alyas John, 28; at Rogelio Bello alyas Boy Sputnik, 32.
Habang ang dalawang drug dealers ay kinilalang sina Josephine Roxas, 35, at kinakasama nitong si Nicolas Cuadra, 59.
Ayon kay Gutierrez, natukoy ng kanyang tauhan ang koneksyon sa pagitan ng Onad Drug Group at Roxas at Cuadra sa pamamagitan ng parallel intelligence-gathering na ginawa ng PDEA Intelligence and Investigation Service (PDEA-IIS) at PDEA Regional Office 3 (PDEA-RO3).
Sa pamamagitan ng PDEA-IIS ay minonitor ang aktibidad ng Onad Group na ang unang operasyon ay carnapping at robbery, hanggang sa magpalit ang mga ito at luminya na rin sa illegal drug trafficking.
“Matindi na kasi ang operasyon ng PNP sa carnapping kaya nagdesisyon na silang magpalit sa pagbebenta ng droga,” sabi ni Gutierrez.
Samantala, sina Roxas at Cuadra naman ay natukoy ng PDEA RO3 na pangunahing drug dealer ng droga na nag-ooperate sa Metro Manila.