Bangkay ng lalaki ibinitin sa poste

MANILA, Philippines -  Iniwang nakasabit sa poste ng ilaw sa may Roxas Boulevard, Pasay City ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki, kahapon ng madaling-araw.

Patuloy naman ngayong kinikilala ng pulisya ang narekober na bangkay na nasa pagitan ng edad 50-60 anyos, tsinito, nakasuot ng maong na pantalon, itim na t-shirt at katamtaman ang pangangatawan.

Sa ulat ng Pasay City Police, nagpapatrulya sa north bound lane ng Roxas Blvd. ang mga tauhan ng Pasay Police-Mobile Patrol Group nang madiskubre ang biktima na nakabigti sa poste ng ilaw malapit sa William Street.

Bukod sa bakas ng pagkakabigti ng ginamit na nylon cord, wala nang nakitang anumang sugat sa katawan ang biktima nang suriin ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang naturang biktima at ang motibo sa naturang pamamaslang.  

Show comments