2 opisyal ng CIDG-WACCU inireklamo
MANILA, Philippines - Dalawang opisyal na tauhan ni P/Senior Supt. Emma Libunao ng Criminal Investigation and Detection Group-Women And Children’s Complaint Unit (CIDG-WACCU) ang inireklamo ng mga negosyante sa mga lungsod ng Pasay, Parañaque, Las Piñas, Pasig at Quezon City kaugnay sa sinasabing harassment at pangingikil ng malaking halaga para gamitin sa isasagawang Christmas Party ng nasabing yunit ng pulisya.
Kinilala ang mga opisyal ng pulisya na inirereklamo ng mga may-ari ng mga KTV at night spots sa mga nasabing lungsod partikular na sa kahabaan ng Roxas Blvd. ay nagngangalang P/Chief Insp. Guzman at Sarhento Platilla ng CIDG-Women and Children’s Complaint Unit (WACCU) na sinasabing kinatatakutan sa mga night spots.
Ayon sa mga nagrereklamong mga may-ari at officer-in- charge ng mga establisimento sa Metro Manila na sinasabing pinangangalandakan ng dalawang opisyal na inaprubahan daw ng kanilang hepe na si P/Senior Supt. Libunao ang kanilang ginagawa.
Maging sa Region 4 ay nagpaabot na rin ng reklamo na sinasabing pangingikil laban sa dalawang nasabing opisyal.
Inireklamo rin ang dalawang opisyal sa sinasabing malimit magbabad sa mga KTV at night club kung saan umabuso sa kanilang tungkulin kaya hindi naman matanggihan ng mga officer-in-charge na pagbigyan dahil sa takot na pambubulabog.
Naniniwala naman ang mga officer-in-charge at may-ari ng KTV at night spots sa Metro Manila na walang alam si P/Senior Supt Libunao at CIDG chief P/Director Samuel Pagdilao sa ginagawang pang-aabuso ng dalawang opisyal na sumisira sa imahe ng kapulisan sa buong kapuluan.
- Latest
- Trending