MANILA, Philippines - Sabog ang bungo at nasawi ang isang 39-anyos na negosyante habang sugatan naman ang kaibigan nito makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang lalaki sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa ulo si Randy Padua, may-ari ng Fitness Gym at nakatira sa Barangay Parang, Marikina City.
Sugatan naman at ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center si Bryan Guatno, 39, na tinamaan ng bala ng cal. 45 pistola sa hita at braso.
Samantala, tumakas na palakad ang gunman na animo’y walang naganap na pamamaril papalayo sa crime scene.
Nabatid kay P/Supt. Russel Leysa ng Scene of the Crime Operatives (SOCO ) ng Eastern Police District na ang pamamaril ay naganap dakong alas-10:30 ng gabi sa bahagi ng Del Pilar Street.
Ayon sa police report, nakatayo at nag-uusap ang magkaibigan sa harap ng Fitness Gym nang lapitan at ratratin kung saan nadamay lamang si Guatno.
Hindi pa nabatid ng pulisya ang motibo sa krimen subalit may teorya ang pulisya na professional gun-for-hire ang killer dahil sa estilo ng pamamaril.