Pagdukot sa OFW sa Afghanistan, bubusisiin ng NBI
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsisiyasat kung totoo na dinukot ang Overseas Filipino Worker (OFW) ng mga miyembro ng Taliban Forces.
Ayon kay NBI Foreign Liaison Division chief Atty. Jun De Castro nagsasagawa pa sila ng beripikasyon sa mga ulat na ang nawawalang si Mark Ramos ay dinukot sa Afghanistan noong nakalipas na Enero o isang “kidnap me’ scheme lamang.
Ito’y dahil na rin umano sa pagdududa ng kaniyang employer hinggil sa sinasabing kidnapping kay Ramos.
Ang employer nito ay ang Copenhagen Motors, na contractor at nakabase sa loob ng US military sa Kandahar.
Pinasok nila ang imbestigasyon nang akusahan pa si Ramos na nakikipagsabwatan sa kaniyang pinsan na isang Jeffrey Libril, ang dating empleyado ng Copenhagen Motors, na may pakana umano ng ‘kidnap me’ at upang makakuha lamang umano ng ransom money at madamay ang kompanya sa pagbabayad.
May hinala pa umano ang kompanya na nasa Pilipinas na si Ramos.
Batay sa liham na ipinadala ng Philippine Embassy ng Afghanistan, nakita si Ramos na paalis sa US military base noong Enero 7 sakay ng company car at hindi naman umano nagpaalam sa kanyang mga superior kung saan siya magtutungo, na isa umanong paglabag sa company rules, lalo na dahil wala itong escort.
Natagpuan na lamang ng mga awtoridad ang sasakyang ginamit ni Ramos malapit sa Kandahar.
Hindi nagtagal ay nakatanggap na ng tawag ang ama ni Ramos, na nasa Dubai, mula sa diumano’y Taliban members na humihingi ng ransom kapalit ng kalayaan ng anak.
May ulat din umano na sangkot sa ilang iligal na transaksiyon si Ramos at nakatangay ng malaking halaga sa mga nakatransaksiyong negosyante na tinakasan at maging ang $100,000 pondo ng kompanya.
Ayon pa kay De Castro, may isang saksi sa pagsakay umano ni Ramos sa Ariana Airlines na matatagpuan sa commercial zone ng airfield patungong Dubai at mula noon ay hindi na siya nakita pa.
Gayunman, sinabi din ni De Castro na wala pa sa Pilipinas si Ramos, base sa records ng Bureau of Immigration (BI).
- Latest
- Trending