1 pang suspect sa Ramgen slay sumuko
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ng kampo ni Janelle Manahan kung bakit nasa pangangalaga ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa kasintahan nitong si Ramgen Revilla makaraang lumutang kahapon sa Parañaque City Prosecutor’s Office at naghain ng kanyang counter affidavit.
Dakong alas-2 ng hapon nang dumating si Ryan Pastera, ang sinasabing isa sa nagplano sa pagpatay kay Ramgen kasama ang ibang mga kapatid nito sa piskalya ng Parañaque kasama ang abogadong si Atty. Melinda Salcedo at ilang ahente ng NBI.
Tumagal ng halos 20 minuto sa piskalya si Pastera sa paghahain ng kanyang counter affidavit bago nagmamadaling umalis sa pag-iwas sa mga mamamahayag.
Nagtataka naman si Atty. Argee Guevarra, abogado ni Manahan, kung bakit binibigyan ng proteksyon ng NBI si Pastera na hindi isang saksi kundi itinuturing na isa sa suspek sa naturang krimen.
Sinabi ni Guevarra na maaari lamang maging state witness si Pastera at mabigyan ng seguridad kung mag-aaplay ito sa Department of Justice at handang ibulgar ang kanyang nalalaman sa naturang krimen.
Isa naman sa escort ni Pastera ang nagsabi na kahapon lamang ng umaga nagtungo sa kanilang tanggapan si Pastera at humingi ng tulong ang pamilya nito para sa seguridad sa pagtungo sa piskalya.
Laman ng naturang affidavit ang pagtanggi ni Pastera sa ibinibintang na isa siya sa nagplano at naghanap ng mga upahang gunman para pumatay kay Ramgen. Hindi umano niya kilala ang mga taong nagtuturo sa kanya partikular na ang isa sa mga saksi na si Ruel Puzon.
Samantala, naghahanda na rin ng pagsasampa ng bagong kaso ang panig nina Manahan laban sa ibang miyembro ng pamilya Bautista kabilang na si Gail base sa mga bagong testimonya ng mga saksing naglutangan.
- Latest
- Trending