Guro inireklamo ng 4 na pupil
MANILA, Philippines - Isang grade school teacher ang nasa balag ng alanganing matapos na ireklamo ng pang-aabuso ng apat na menor-de-edad niyang estudyanteng lalaki sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ang apat na mga kabataan ay personal na dumulog sa tanggapan ni Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police Station 11, kasama ang kanilang mga magulang upang ireklamo ang ginawang kahalayan ng kanilang guro na kinilala sa pangalang Ike Mendoza, adviser at nagtuturo ng MSEP (musika, sining, edukasyon pampalakas ng katawan) sa Doña Aurora Quezon Elementary School sa Brgy. Galas sa lungsod.
Base sa reklamo ng mga biktima, pawang mga grade 5 pupil na may edad 11-12 anyos, madalas umano silang yakapin, halikan at hawakan sa maselang parte ng katawan ng kanilang guro lalo na tuwing recess.
Ayon sa biktimang si Buboy, hindi tunay na pangalan, 12, nagsimula umano silang gawan ng kahalayan ng guro noong pasukan kung saan ay madalas na pinahahalik siya nito sa pisngi.
“Kapag po dumarating kami, sasabihin ng teacher namin (suspect) wala ba akong kiss, tapos ’yung isa kong kaklase, pinapasok ang kamay niya sa loob ng short,” sabi ni Buboy.
Bukod dito, pinapanood pa umano sila ng pornographic materials ng guro sa pamamagitan ng cellphone.
Nabuko lamang ang nasabing gawi ng guro nang personal na masaksihan ng mga kaklaseng babae ng mga biktima ang nasabing kahalayan nitong Miyerkules ng alas-4 ng hapon dahilan para mismong ang mga ito na ang magsumbong sa mga magulang nito.
Inihahanda na ng awtoridad ang kasong child abuse laban kay Mendoza.
- Latest
- Trending