Condo ni Zsazsa Padilla pinasok ng 'Akyat-Bahay'

MANILA, Philippines - Nabiktima ng kilabot na ‘Akyat-Bahay Gang’ ang condominium unit ng bete­ranang singer-actress na si Zsazsa Padilla kung saan natangay ang mama­haling laptop computer nito at salapi, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Iniulat sa Parañaque City Police ng kasambahay ni Esperanza Zsazsa Padilla, na si Annabel Escorro ang naturang nakawan sa condo unit ng singer na nasa ikalawang palapag ng Marina Bay Tower East sa Bohol St., Brgy. Tambo ng naturang lungsod.

Sa pahayag ni Escorro, naabutan pa niya dakong alas-7:47 ng gabi ang magnanakaw sa loob ng ku­warto ng kanyang amo habang naghahalughog ito. Bago pa man siya makatakbo upang humingi ng saklolo, agad na siyang tinutukan ng patalim ng salarin saka mabilis na tumakas sa terrace ng condo unit.

Sa imbestigasyon, maaaring sa beranda rin o sa terrace pumasok ang naturang magnanakaw dahil wala namang puwersahang pagpasok sa pintuan ng unit.

Pinaiimbestigahan naman ni Parañaque police chief Sr. Supt. Baldemor Beltran ang mga nakatalagang security guard sa naturang condominium upang alamin kung bakit nagawang maka-akyat sa terrace ang suspect nang hindi namalayan ng mga guwardiya ng Marina Bay.

Show comments