Binata utas sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang binata matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect sa lungsod Quezon kamakalawa.

Nakilala ang nasawi na si Paul John Perez, 18, ng Brgy. Holy Spirit sa lungsod Quezon sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Nangyari ang insidente sa Jasmine St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-9 ng gabi.

Bago ang insidente, galing umano ang biktima sa isang computer shop kasama ang ilang kaibigan at naglalakad papauwi nang lapitan ito ng isang suspect.

Mula rito ay biglang nagbunot ng baril ang suspect at pinaputukan ang biktima, habang ang mga kaibigan naman ng huli ay agad na nagsipagtakbuhan papalayo sa takot na madamay. Matapos ang pamamaril ay agad na umalis ang suspect at sumakay sa naghihintay na kasamahang nasa motorsiklo at saka tuluyang tumakas.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong gang war dahil ang biktima umano ay may kinaaniban ding grupo sa nasabing lugar.

Show comments