MANILA, Philippines - Pagkakalooban ng Quezon City government ng mga bagong motorsiklo ang may 142 barangay sa lungsod upang mapalakas ang pagresponde sa nagaganap na krimen at sa mga emergency situation dito.
Ayon kay QC administrator Dr. Victor Endriga, ang nasabing mga motorsiklo na ipamamahagi sa naturang mga barangay bago sumapit ang Pasko ay armado ng first aid kit, chain saw, rain boots, public address system, life vests at ibang rescue tools at accessories na kailangan sa pagtugon sa alinmang disaster-response capabilities sa lungsod.
Uunahin na mabigyan ng bagong motorsiklo ay yaong nasa flood-prone areas tulad ng Bagong Silangan, Roxas, Tatalon at Damayang Lagi pati ang malapit sa Tullahan River, ang North Fairview, Sta. Lucia, Sta. Monica na boundary ng Fairview at Novaliches.